19/06/2026
MDMI - YAKAP Healthcare Facility, pinasinayahan sa Pagsawitan, Santa Cruz.
Ngayong ika-19 ng Hunyo 2026, kasabay ng paggunita sa kaarawan ng ating pambansang bayani na si José Rizal, buong pagmamalaking binuksan ng Medicina de Mercado Inc. (MDMI) ang kauna-unahang MDMI Family Health Clinic sa Brgy. Pagsawitan, Santa Cruz, Laguna.
Pinangunahan ang makasaysayang pagbubukas nina Congressman Benjie Agarao, Regional Vice President Edwin O***a ng PhilHealth na kinatawan ni Jerome Garovillas, MDMI Chairman Celso Mercado na kinatawan ng kanyang kapatid na si Selma Tabarez at Vice Mayor Luivic Jacob, Head ng Public Affairs Office ng Lalawigan ng Laguna.
Matapos ang mahigit isang dekadang matagumpay na paglilingkod sa larangan ng eye care, pinalalawak ng MDMI ang saklaw ng misyon nito upang maghatid ng mas komprehensibong Primary at Preventive Healthcare Services para sa bawat pamilyang Pilipino. Sa pamamagitan ng bagong pasilidad na ito, layunin ng MDMI na gawing mas accessible, abot-kaya, at dekalidad ang serbisyong pangkalusugan para sa ating mga kababayan.
Bilang isang PhilHealth YAKAP-accredited Healthcare Facility, magbibigay ang klinika ng libreng konsultasyon, preventive healthcare services, mga pangunahing diagnostic examinations, routine monitoring tests, at gamot para sa mga PhilHealth YAKAP Members.
Taos-puso rin naming pinasasalamatan ang lahat ng aming katuwang mula sa pamahalaan, kay Kapitana Meg Agarao at Konsehal Nino De Las Armas, PhilHealth, pribadong sektor, at komunidad na naging bahagi ng tagumpay na ito. Ang inyong suporta at pagtitiwala ang nagsisilbing inspirasyon upang higit pang mapalawak ang serbisyong pangkalusugan na may malasakit at tunay na naglilingkod sa mamamayan.
Sa pagkakaisang ito, sama-sama nating itinataguyod ang isang mas malusog, mas ligtas, at mas maunlad na komunidad para sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon.
Serbisyong may Puso. Kalusugang Abot-Kamay.