21/04/2026
Nagpasya ang na hindi maituturing na nuisance o isang istorbo ang mga tunog o ingay na nagmumula sa mga regular na aktibidad ng isang eskwelahan. Hindi rin ito maaaring maging batayan para managot ang paaralan sa pagbabayad ng danyos.
Sa Desisyong isinulat ni Associate Justice Samuel H. Gaerlan, pinagbigyan ng Ikatlong Dibisyon ng Korte Suprema ang petisyon ng Couples for Christ School of the Morning Star (eskwelahan) at binaliktad ang pasya ng Court of Appeals (CA) na naggawad ng danyos sa mga residente ng Saint Joseph Subdivision sa Barangay Villa Kananga, Lungsod ng Butuan kung saan matatagpuan ang eskwelahan.
Sinampahan ng kaso ng mga residente ng subdivision ang eskwelahan dahil sa naririnig nilang malakas na ingay mula sa eskwelahan tulad ng tunog ng tambol at bugle, mga gurong gumagamit ng mikropono at megaphone, at mga estudyanteng tumatakbo, sumisigaw, at naghihiyawan habang naglalaro sa multipurpose center. Ayon sa kanila, nakagagambala sa kanilang pagtulog at katahimikan sa kanilang tahanan ang mga ingay na ito na naririnig umano araw at gabi.
Depensa ng eskwelahan, nagmumula lang sa regular na klase ang anumang ingay at may kaukulang mga permit at clearance sila magmula nang magsimula ang kanilang operasyon noong 2012. Idagdag pa ng eskwelahan, nasa loob ng pinahihintulutang limitasyon para sa mga residential area ang antas ng ingay, base sa pagsusuri ng City Environment and Natural Resources Office. Nagsagawa na rin umano ito ng mga hakbang para mabawasan ang ingay gaya ng pagtatayo ng mas matataas na bakod, pagtatanim ng mga puno, paggamit ng mas maliliit na speaker, at paglilimita ng mga aktibidad mula 7:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi kapag may klase.
Isinantabi ng Regional Trial Court (RTC) ang reklamo ng mga residente, pero nagpasya pabor sa mga residente ang Court of Appeals (CA).
Binaliktad ng Korte Suprema ang desisyon ng CA. Iginiit nito na hindi isang istorbo ang akademikong ingay o mga tunog mula sa mga lehitimong aktibidad sa eskwelahan.
Kasama sa maituturing na nuisance o istorbo ang anumang kaguluhan na nakasasagabal sa kaginhawahan, ari-arian, o kasiyahan ng isang tao. Para may mananagot para sa mga pinsala, ang ingay ay dapat sapat na malakas para makapinsala o magbanta sa kalusugan o kaligtasan, o para inisin o saktan ang isang ordinaryo at makatwirang tao.
Para maituring na isang istorbo ang ingay, isinasaalang-alang ng Korte Suprema, sa kasong Frabelle Properties Corp. v. AC Enterprises Inc., ang mga sumusunod:
• ang pagiging maaasahan ng mga isinagawang pagsusuri sa polusyon ng ingay,
• ang mga hakbang na ginawa para mabawasan ang ingay,
• ang pinahihintulutang antas ng ingay,
• ang layunin ng defendant na magdulot ng pinsala sa nagrereklamo,
• ang bilang ng mga nagrereklamo,
• ang pagiging kinatawan ng nagrereklamo komunidad, at
• ang mga hakbang na ginawa ng nagrereklamo para maibsan ang kanyang kalagayan.
Nagpasya ang Korte Suprema na nabigo ang mga residente na patunayan na labis at hindi makatwirang nakagagambala ang ingay mula sa eskwelahan, at nagpalala sa kanilang kalagayang pangkalusugan. Hindi rin ito lumampas sa maaaring asahan mula sa isang eskwelahan. Binigyang-diin ng Korte Suprema na walang nuisance kung hindi naman maaabala sa tunog ang isang karaniwang tao kahit pa may isang taong labis na sensitibo rito.
Hindi rin naipakita ng mga residenteng nagsampa ng kaso na kumakatawan siła są buong komunidad.
Dagdag pa ng Korte Suprema, hindi maaaring maghabol ng danyos batay sa sinasabing abuse of rights sa ilalim ng Civil Code kung walang sapat na batayan. Nagpasya ang Korte na walang layunin ang eskwelahan na manakit o mang-abala sa mga residente at nagsagawa pa ito ng mga hakbang para mabawasan ang ingay. Wala ring ebidensiya na sinadya ng eskwelahan ang paglikha ng ingay nang may masamang hangarin o masamang loob.
Basahin ang press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=163502.
Basahin ang Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=163486.
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.