14/04/2026
Patuloy kaming sumusuporta sa lahat ng layunin ng PNP organization
PULIS BAGUIO, MABILIS NA RUMESPONDE SA EMERGENCY NG ISANG RESIDENTE
Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Baguio City Police Office (BCPO) Police Station 9 upang tulungan ang isang babaeng nakaranas ng matinding pananakit ng tiyan sa Muslim Village, Crystal Cave, Baguio City bandang 6:30 ng umaga noong Abril 11, 2026.
Ayon sa ulat, agad na tumugon ang mga pulis sakay ng kanilang mobile patrol matapos makatanggap ng tawag hinggil sa sitwasyon. Pagdating sa lugar, maingat nilang inasikaso ang pasyente at agad itong dinala sa pagamutan upang mabigyan ng karampatang lunas.
Kinilala ang mga rumespondeng pulis na sina PCpl Brelon Catores Lamsis at Pat Fredie Mariano Marekchan, na nagpakita ng malasakit at kahandaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Pinuri naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang agarang aksyon ng mga tauhan. “Ang ganitong mga gawain ang tunay na sumasalamin sa malasakit ng kapulisan. Hindi lamang sa pagpapatupad ng batas nasusukat ang aming tungkulin, kundi pati sa pagtugon sa pangangailangan ng bawat mamamayan,” aniya.
Patuloy na pinaalalahanan ni PGEN Nartatez ang lahat ng kapulisan na panatilihin ang pagiging handa at makatao sa kanilang tungkulin, sapagkat ang simpleng pagtulong ay may malaking epekto sa buhay ng mamamayan.
Ang insidenteng ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng PNP na maging mas malapit at mapagkalinga sa komunidad, sa diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PNP-PIO)