08/01/2026
RDC XII Chair at Cotabato Gov. Taliño-Mendoza, nanumpa bilang Co-Chairperson ng EDC RDCom-MAC
Pormal na nanumpa ngayong hapon, Enero 8, 2026, bilang Co-Chairperson ng Economy and Development Council – Regional Development Committee Mindanao Area (EDC RDCom-MAC) si Regional Development Council (RDC) XII Chair at Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza.
Ang panunumpa ay isinagawa matapos siyang muling mahalal sa ginanap na Reorganization at 41st Conference ng RDCom-MAC sa Park Inn Hotel, Davao City. Nanumpa rin sa katungkulan si Misamis Occidental Governor Henry S. Oaminal, na napili naman bilang Chairperson ng EDC RDCom-MAC.
Nagpasalamat ang gobernadora sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng mga kasapi ng RDC mula sa iba’t ibang rehiyon ng Mindanao. Tiniyak din niya ang patuloy na pagsuporta sa mga inisyatibang magpapalakas sa kaunlarang pang-ekonomiya at panlipunan ng Mindanao, sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga polisiyang tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.//idcd-pgo-sotto / photo by WM Samillano//