01/07/2026
πππππ ππ ππππ ππ ππππ, ππππππππππ ππ πππππππππππ; πππππππππππ ππ πππ πππππππ πππππππ ππ ππππππππππππ
Isang lokal na kaso ng mpox ang kinumpirma sa Mandaluyong City, dahilan upang agad na pairalin ng mga awtoridad sa kalusugan ang mas pinaigting na disease surveillance at response measures upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng sakit.
Sa inilabas na public advisory ng Epidemiology and Surveillance Unit (ESU) ng Mandaluyong, sinabi nitong nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa mga local at regional health offices upang magsagawa ng masusing case investigation, contact tracing, risk assessment, at monitoring sa mga indibidwal na maaaring nagkaroon ng close contact sa pasyente.
Ayon sa Mandaluyong City government, aktibo nang pinangangasiwaan ang sitwasyon at patuloy ang pagpapatupad ng mga kinakailangang public health protocols.
Hinikayat din nito ang publiko na manatiling kalmado, maging updated sa mga opisyal na impormasyon mula sa mga awtoridad, at igalang ang privacy ng indibidwal na apektado ng sakit.
Ang kumpirmasyon ng kaso ay kasunod ng pagkalat sa social media ng isang umano'y memorandum mula sa pamunuan ng isang condominium sa lungsod na nag-uulat ng kumpirmadong kaso ng mpox.
Bagama't hindi pinangalanan ang naturang condominium, kinumpirma ng city health authorities na mayroon ngang aktibong kaso na kanilang mino-monitor.
Ang mpox, na dating tinatawag na monkeypox, ay isang viral disease na maaaring maipasa sa pamamagitan ng malapitang pakikipag-ugnayan sa isang infected na tao, gayundin sa pamamagitan ng kontaminadong kagamitan at mga surface.
Ayon sa mga eksperto sa kalusugan, hindi ito madaling kumalat tulad ng mga respiratory disease, ngunit kinakailangan pa rin ang agarang pagtugon upang mapigilan ang transmission.
Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng mpox ang lagnat, panginginig, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, matinding pagkapagod, pamamaga ng lymph nodes, at pagkakaroon ng skin rash o mga sugat sa balat na maaaring tumagal ng ilang linggo bago tuluyang gumaling.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang mga awtoridad hinggil sa pasyente, alinsunod sa umiiral na mga batas sa privacy at public health protocols.
Patuloy naman ang surveillance at contact tracing operations upang matiyak na hindi kakalat ang sakit sa komunidad.